Wednesday, October 10, 2012

“Ang di Inaasahang Pagdating ng Kakambal ni Ondoy.”


Isang hindi inaasahang pangyayari ang pumukaw sa natutulog at namamahingang diwa ng mga Filipino noong ikapitong araw ng Agosto 2012. Nagaagaw ang itim at puting kalangitan dahil sa nagwawaring galit na galit na pagbuhos ng malalaing patak ng ulan na maririnig sa bubungan ng bawat kabahayanan sa Luzon. Ang mga puno sa paligid ay nagmistulang mga higanteng nagsasayawan dahil sa malakas at sumisipol na hampas ng hanging habagat. Kapag pinagmasdan ang mga tao sa paligid ay waring balisa at hindi maipinta ang mga itsura sapagkat hindi nila alam ung ano ang uunahing isalba ano mang oras na tumaas ang tubig na dala ng mabigat at malakas na pagpatak ng ulan. Napaisip ako sa isang sulok, bakit kaya natataranta ang mga tao sa paligid? Marahil ito sa pagkadala nila sa bagyong Ondoy tatlong taon ng nakalipas kaya sila nag-itsurang mga kiti-kiting hindi mapakali sa kinalulugaran. Ang ibang pamilya ay maoobserbahang sasakyan ang unang inililikas sa mataas at ligtas na lugar bago pa tuluyang tumaas ang baha. Ang ibang pamilya naman ay mapapansing nagaalsa-balutan na. Ang malalaking bagahe ay nakahanda sa mga kabahayan upang ano mang oras ay handing-handa na sila para lumikas. 

                Maya-maya lamang ay unti-unting binalot ng kulay tsokolateng tubig ang lugar naming sa Cainta. Ilan sa mga kabahayan ay bubungan nalang ang matatanaw na hindi nailubog ng tubig, ang ilan naman ay hanggang unag palapag lang ang pinasok dahil matataas ang pagakakagawa ng bahay. Isa na dito an gaming bahay. Sa kabilang banda, talagang hindi naming inaasahan na aabot ang kulay tsokolateng tubig sa loob ng amiong bahay dahil mataas ang harapan ng bahay namin. Makikitang may apat na hakbang na hagdan sa harapan namin kaya di talaga akalaing makakapsok ito. Habang umaagos ang tubig papasok, siya naman kaming abalang-abala sa pagaakyat ng mga gamit papuntang ikalawang palapag. Habang binabalot an gaming lugar ng baha, maririnig ang mga tao sa paligid na walang isisigaw kundi, “saklolo” at “tulungan niyo kami.” Talagang grabe nanaman ang nagyari noong araw na iyon.
Matapos ang baha, muli nanamang makikita ang mga tao sa paligid na nagwawalis ng putik na bumalot sa aming lugar galing sa baha. Hindi mapinta ang mga nagagalit at naiinis na itsura ng mga tao dahil sa dumi at perwisyong dala ng baha. Nagmistulang bagong lipat ang mga nakatira sa aming lugar dahil sa mga nakakalat na muwebles at iba pang kagamitan sa labas ng mga bahay at sa kalsada. Dahil wala poang kuryente ng araw na iyon, ang maliliit na kandila ang nagpaliwanag sa mga tahanan. Ang paligid ay hindi na Makita sa sobrang dilim.
Sadyang katakot-takot at kagimbal-gimbal ang mga nangyari noong araw na iyon at masasabi kong isang kakambal ng bagyong Ondoy ang dumating noong nagdaan na baha. Tahimik na ulit angt mga tao at nananalangin n asana ay huwag nang maulit ito. 

No comments:

Post a Comment